PARA SA MANGGAGAWANG AGRIKULTURAL, LEGASIYA NG MENDIOLA MASSACRE ANG KASALUKUYANG PANUNUPIL SA KANILA

Press statement – Enero 22, 2022 – UMA

Nang patayin ang mag-asawang SIlvestre Fortades Jr. at Rose Marie Galias sa Brgy. San Vicente, Barcelona, Sorsogon noong Enero 15, umakyat ang bilang ng pesanteng biktima ng extra-judicial killings sa 347 sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ngunit ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), kalunos-lunos man ito, walang bago sa gayong kalakaran.

Paalala ng pederasyon, mas mahaba pa ang listahan ng mga magsasaka’t manggagawang bukid na pinaslang ng estado. Kasama rito ang 13 nasawi nang magpaulan ng bala sa Mendiola ang mga pwersa ng rehimeng Aquino sa gitna ng makasaysayang protesta noong Enero 22, 1987.

“Legasiya ng Mendiola Massacre ni Pangulong Corazon Cojuangco-Aquino ang umiigting na panunupil ni Pangulong Duterte sa uring magsasaka,” paliwanag ni UMA Chairperson Antonio ‘Ka Tonying’ Flores. “Matapos ang 35 taon, wala pa ring hustisya para sa 13 martir. At umaasa ang mga pulis at militar na katulad sa Mendiola noong 1987, hindi rin magkakaroon ng hustisya para sa mga pinapatay nila ngayon.”

Idiniin ng UMA na maaaring inspirasyon pa ng kasulukuyang rehimen ang madugong trahedya. Mahigit 30 masaker na ng mga pesante ang inihasik ng estado mula nang maluklok si Duterte sa poder, kabilang ang karumal-dumal na Bloody Sunday Massacre na ikinamatay ng siyam na aktibista sa Timog Katagalugan noong Marso 7.

Anumang paniningil ng uring magsasaka ay sinasalubong ng panunupil, ayon kay Ka Tonying. Ang manawagan ng libreng pamamahagi ng lupa, babansagang terorista. Gayundin ang manggagawang agrikultural na maggiit ng karapatang mag-unyon, tumanggap ng nakabubuhay na sahod, at maghanapbuhay sa makataong kondisyon.

“Noong 1987, pinagbintangan ng estado na armado raw ang mga sibilyang magsasaka sa protesta. Ngayon naman, ang mga sibilyang magsasaka raw na nagpoprotesta ay prente ng mga armadong rebolusyonaryo,” daing ng lider-pesante. “Ang pangreredtag ng rehimeng Duterte sa mga organisasyong magsasaka ay natutunan nito sa mga nauna sa kaniya.”

Ang mga unyon ng mga manggagawang agrikultural ay nireredtag at binubuwag din ng estado. Sa Isabela, Negros, at Tarlac—lalong-lalo na sa mga tubuhan—sapilitang pinalilisan ng pulis at militar ang mga manggagawa mula sa kanilang mga asosasyon at unyon. Bintang ng mga pasista, may kaugnayan ang mga grupong ito sa Communist Party of the Philippines (CPP) at sa New People’s Army (NPA).

Ang tumiwalag ay pasasalihin sa mga pekeng unyon na gawa-gawa mismo ng militar. Kakutsaba nito ang mga landlord at korporasyong makikinabang sa malabnaw na unyonismo. Silang tumiwalag din ay bibilangin bilang surrenderee ng CPP-NPA at palalabasing nagbabalik-loob sa pamahalaan at sa buhay-sibilyan. Ang hindi tumiwalag ay aakusahang rebelde, kung hindi man terorista.

Hiling ng UMA sa bansa na isapuso ang aral ng Mendiola. Napabagsak man ng sambayanan ang diktadurang Marcos sa pag-aalsang EDSA, nagpatuloy ang panggigipit ng estado sa uring magsasaka. Sa kabila nitong munting hakbang pasulong ng demokrasya, nanatiling walang lupa ang magsasaka, at salat ang sahod ng manggagawang agrikultural. Bukod sa narito pa rin ang sistemang asyenda, umiigting pa nga ang sistemang plantasyon.

“Ang tunay na demokrasya ay hindi nakaasa sa pagpapalit ng pangulo. Gayundin ang soberanya ng pesanteng Pilipino sa lupa,” pagsasara ni Ka Tonying. “Nakaasa ito sa kahandaan ng mamamayang ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa hanay ng katwiran, katarungan, at kapayapaan. Anakpawis ang tutubos sa anakpawis.”

#

For reference:

Gi Estrada – Media Officer – 09179450552

Leave a comment