UMA Fourth National Congress 2019

 

Mapangahas na Palawakin at Patatagin ang UMA sa Harap ng Matinding Kahirapan, Pagsasamantala at Karahasan ng Rehimeng US-Duterte!

Jose Maria Sison,

Chairperson, International League of People’s Struggle

Keynote Speeach

Image result for Jose Maria Sison image

Mapangahas na Palawakin at Konsolidahin ang UMALaban sa Pagpapahirap, Pagsasamantala at Karahasan

Ni Prof. Jose Maria Sison

Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle

Marso 18, 2019

Mga Kababayan sa UMA,

Salamat sa pag-imbita ninyo sa akin na magbigay ng susing talumpati sa ika-4 na Pambansang Kongreso ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).  Lubos kong ikinararangal at ikinagagalak ang pribilehiyo at tungkuling ito.

Bilang Tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle, sumasaludo at pumupuri ako sa inyo sa lahat ng inyong nakamit  sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mga magbubukid na walang lupa at  manggagawang-bukid.  Humahanga kami sa lahat ng inyong magiting na pakikibaka at maningning na tagumpay sa paglaban para sa tunay na reporma sa lupa at pagpapahusay sa pasahod at kabuhayan  ng mga maggagawang bukid  laban sa mga asendero at agrikorposayon sa Luson, Bisayas at Mindanao.

Lubos kaming nakikiisa sa inyong panawagang tema: “Mapangahas na palawakin at patatagin ang UMA sa harap ng matinding kahirapan, pagsasamatala at karahasan ng rehimeng US-Duterte!”  Dapat ninyong gampanan ang inyong mga tungkulin sa pulitika, organisasyon at kampanya upang labanan ang matinding pagsasamantala at pagpapahirap sa mga magsasakang walang lupa at manggagawang bukid at ang terorismo ng estado, na pakawala ng rehimeng Duterte sa layuning iatang ang pinalawak na lupain para dambungin ng mga dayuhang agrikorporasyon at lokal na malalaking kumprador, panginoong maylupa at burukrata.

Sistema ng Pagpapahirap, Pagsasamantala at Karahasan

Kasuklam-suklam na ang kawalan at pagkakait ng lupa sa mga  maralitang magsasaka at manggagawang pambukid. Ito ang pangunahing problema sa malakolonyal at malapyudal na  naghararing sistema at ang tunay na reporma sa lupa bilang solusyon ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Lalong kasuklam-suklam na pumapatong sa mga tradisyonal na pyudal and malapyudal na pagsasamantala at pagpapahirap sa masang nagbubungkal ng lupa ang neoliberal na patakaran at sistematikong karahasan na isinasagawa ng rehimeng US-Duterte para lalong higpitan ang sistema ng pagsasamantala at pang-aapi sa mga anakpawis, laluna ang mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid.

Ang pangkalahatang layunin ni Duterte ay alisin ang lahat ng uri ng oposisyon upang itayo ang isang lantarang pasistang diktadura.  Inihahanda niya ito sa pamamagitan ng pagmanipula ng eleksyon sa Mayo 2019 upang makuha ang kailangang bilang ng mga senador at mapanatili ang opsyon na ipataw ang Batas Militar sa pambansang saklaw na pormal na ideklara o de facto.

Pilit niyang ilalarga ang pagbabago ng saligang batas para sa isang huwad na pederalismo na magkokonsentra ng kapangyarihan sa kamay ng isang pasistang diktador at magbibigay dito ng kapangyarihang  pumili ng mga pangrehiyon at pamprobinsyang mga ahenteng pampulitika mula sa kapwa niyang malalaking kumprador, panginoong maylupa at burukrata.

Nais niyang kamkamin ang absolutong kapangyarihan para magkamal ng personal na yaman at protektahan ang sarili sa mga kriminal na pagkakautang bilang isang traydor dahil sa pagbebenta ng soberanong karapatan at pambansang patrimonya kapwa sa US at Tsina bilang mga imperyalistang kapangyarihan, paguudyok sa reaksyunaryong militar at pulis upang magsagawa ng malawakang pamamaslang at paglahok sa mga pinakaiskandalosong anyo ng korupsyon.

Alam na alam ni Duterte na ang kanayunan ang pangunahing larangan ng labanan sa pagitan ng kontrarebolusyonaryong hanay ng mga mapang-api at mapagsamantala sa isang banda at ng mga rebolusyonaryong pwersa at mayorya ng mamamayan sa kabilang banda.  Ang lupain at likas na yaman ang malaking premyo para sa mga dayuhan at lokal na mapagsamantala.

Kung kaya nakadeploy ang mga pangunahing yunit ng reaksyunaryong militar at pulis sa kanayunan sa tangkang puksain ang mga rebolusyonaryong pwersa at sa gayon ay malayang maipamigay ang lupain at mga likas na yaman sa mga dayuhang korporasyon at lokal na mga reaksyunaryo sa kapariwaraan ng mga mahihirap na magsasaka, manggagawang bukid at pambansang minorya.

Nagsasagawa ang mga armadong bayaran ng rehimen ng lahat ng uri ng karahasan:  pagbomba ng mga komunidad, masaker, pangingikil sa masa, pagsira ng mga pananim, pwersahang ebakwasyon, panununog o pag-okupa ng kanilang mga tahanan, eskwelahan, klinika, pulungan at iba pang panlipunang pasilidad.

Ang mga pamamaraan ng Oplan Tokhang sa mga komunidad ng mga maralitang lunsod ay ipinapatupad sa mga komudidad sa kanayunan sa ilalim ng Oplan Kapayapaan.  Ipinatatawag sa mga pagpupulong ang mga mamamayan at pinapipirma sa talaan ng mga dumalo.  Pagkatapos ay ipiniprisenta ito bilang listahan ng mga sumuko at sa kalauna’y ginagamit ng militar para pumaslang ng sinuman upang makatanggap ng gantimpalang pera..

Tulad ng kaso ni Atty. Ben Ramos at maraming organisador ng UMA at KMP, panlipunangaktibista na tumataguyod sa karapatang-tao, makatarungang kapayapaan, reporma sa lupa, pagtaas ng sahod ng mga manggagawang bukid,  paggalang sa lupang pamana ng mga pambansang minorya at pangangalaga sa kapaligiran ay tinatatakang pula at ginagawang target ng pamamaslang bilang “terorista”.

Imperyalistang Pandarambong sa Pamamagitan ng “Agribusiness Venture Arrangements”

Ako’y nagagalak na kaakibat ng inyong kongreso ay isasagawa ninyo ang kumperensya tungkol sa imperyalistang pandarambong sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga plantasyon sa ilalim ng “agribusiness venture arrangements” (AVA).  Ang pagpapalawak ng mga plantasyon ay nagkakait ng lupa sa milyun-milyong magsasaka at naglulugmok sa kanila sa karukhaan ngunit sa kabila nito ay 1.6 milyong ektarya ay inilalaan pa para sa pagpapalawak ng mga plantasyon, laluna sa Palawan, Bohol, Ilokos at Negros.

Ang pakanang AVA ay dati nang nagbunga ng di-pantay at huwad na sosyohan ng mga agrikorporasyon at mga benepisyaryo ng repormang agraryo.  Ang mga AVA ay nagka-anyo bilang joint ventures, lease contracts, build-operate-transfer deals, management contracts and production, processing and marketing agreements.

Sa praktika, ang mga AVA ay nagkait ng lupain sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo sa malalawak na erya at gayundin sa mga ansestral na lupan ng mga pambansang minorya upang ilaan lamang sa pagmimina, pagtotroso at plantasyong pang-eksport.  At syempre pa, nariyan ang nakasusuklam na pakanang “land conversion” na nagpapahintulot ng reklasipikasyon ng lupang dapat mapailalim sa reporma sa lupa para sa produksyong pang-eksport,  komersyo, subdibisyon, shopping mall, pasilidad pangturismo at iba pang layuning walang kinalaman sa agrikultura.

Inirereklamo ni Ka Paeng Mariano na sa loob ng kanyang maikling panunungkulan bilang kalihim ng DAR, binigo ni Duterte ang kanyang mga pagsisikap na magdeklara ng moratorium sa land conversion at sa pagtatakda ng lupain na maaari pang ilaan para ipamahagi sa mga magsasakang walang lupa at manggagawang bukid sa ilalim ng inihahandang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) sa GRP-NDFP negosasyong pangkapayapaan.

Gumagawa si Duterte ng  lansakang panlalansi sa sinasabi niyang namahagi siya ng 60,000 ektarya kamakailan.  Sa katunayan, namahagi lamang siya ng mga dokumentong nag-oobliga sa mga nakatanggap nito na magbayad ng napakataas na amortisasyon bago mapasakanila ang lupa.  Ang mapait na katotohanan ay 90 porsyento ng tinatawag na mga benepisyaryo sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay di kinayang bayaran ang amortisasyon sa nakaraang mahigit 30 taon.

Ang reporma sa lupa sa ilalim ng kolonyal na rehimeng US at sa anumang rehimeng malakolonyal at malapyudal ay pawang huwad dahil binibili ng estado ang lupa sa mataas na halagang ikinasisiya ng  panginoong maylupa at ang itinuturing na benepisyaryo ng repormang agraryo ay inoobligang bayaran ang napakataas na presyo nang walang anumang suporta mula sa estado sa pagtataas ng antas ng produksyon at makakuha ng makatarungang  presyo ng kanilang produkto sa bungad-sakahan.

Kung kayat ang mga benepisyaryo ng repormang agraryo ay nagiging biktima ng ibat ibang uri ng mga mandaragit, tulad ng laging nakaambang komersyante-usurero at mayamang magsasakang nag-aambisyong maging panginoong maylupa at mga panginoong maylupang gustong muling magkamal ng lupain.  At syempre ang pinakamalaking mga buwitre ay ang mga dayuhang agrikorporasyon at mga lokal na korporasyong pag-aari ng malalaking kumprador-panginoong maylupa at korap na burukrata.

Habang walang tunay na reporma sa lupa na kaugnay ng pambansang industrialisasyon, magpapatuloy ang problema ng mga magsasakang walang lupa at lumalaking bilang ng manggagawang bukid na nakikipagkumpetensya sa walang humpay na lumiliit na bilang ng trabaho sa bukid na may mababang sahod.  Ang lumalaking surplas ng populasyon sa kanayunan ay napipilitang tumanggap ng sarisaring trabahong panawid-gutom kapwa sa kalunsuran at kanayunan.  Kapag walang pambansang industrialisasyon, ilalaan ng mga mapagsamantalang kumikita  ng surplas ang kanilang kita sa mga operasyong kumprador-panginoong maylupa at sa pagkamal ng lupain.

Panapos na Komento

Mahalaga na muli ninyong sariwain sa inyong kongreso  ang inyong kapasyahang palawakin at konsolidahin ang UMA sa harap ng tunguhin sa pasismo at lansakang mgaaksyon ng terorismo ng estado at mapag-aralan at magagap ninyo sa kasunod na kumperensya tungkol sa Agribusiness Venture Arrangements kung papaano mapanlansing ginagamit ng mga TNC at lokal na mapagsamantala ang mga pang-ekonomya at legal na pamamaraan upang higit na palalain ang problema sa lupa at sirain ang panlipunan at likas na kapaligiran sa ilalim ng rehimen ng patakarang neoliberal at walang habas na kasakiman.

Malaking kabalintunaan at masakit sa mamamayang Pilipino na manirahan sa isang bayang agraryo subalit dumanas ng kasalatan at mataas na presyo ng pangunahing pagkain mula sa agrikultura dahil pinapaboran ng patakarang neoliberal ang produksyong agrikultural sa palm oil, goma, saging at pinyang pang-eksport at importasyon ng pangunahing pagkain.  Sinisira ng patakarang ito ang soberanya at pag-asa sa sarili sa pagkain ng mamamayang Pilipino at ang kabuhayan at buhay ng milyun-milyong magsasaka at manggagawang bukid.

Inaasahan natin ang lalong paglala ng walang-humpay na krisis ng malakolonyal at malapyudal an naghaharing sistema, na nagdudulot ng higit na pasakit sa inaapi at pinagsasamantalahang manggagawa at magsasaka ngunit nagtutulak sa kanila upang maglunsad ng ibat ibang anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka, laluna ang anyo ng pakikibaka na magbibigay wakas sa mapang-api at mapagsamantalang naghaharing sistema. Walang ibang masisisi ang mga imperyalista at lokal na mapang-api at mapagsamantala  kundi ang kanilang sarili sa lumalaking lakas at pagsulong ng armadong rebolusyonaryong kilusan.

Lubos ang ating kumpyansa na makakamit ng malawak na masa ng mamamayan ang tagumpay sa bagong demokratikong rebolusyon at pagtatayo ng isang sistemang panlipunan na magsasakatuparan ng pambansang soberanya, demokrasya, panlipunang hustisya, pang-ekonomyang kaunlaran sa pamamagitan ng reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon, makabayan, sientipiko at makamasang kultura at pandaigdigang pakikipagkaisa sa lahat ng bansa at mamamayan para sa kapayapaan at kaunlaran.

 

Mabuhay ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura!

Mapangahas na palawakin at konsolidahin ang UMA!

Labanan ang pagpapahirap, pagsasamantala at karahasan!

Patalsikin ang rehimeng US-Duterte!

Mabuhay ang mga magsasaka at manggagawang bukid!

Mabuhay ang sambayanan at ang rebolusyong Pilipino!

UMA 4th Congress Narrative

Ika-4 na Pambansang Kongreso ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura

Image result for unyon ng mga manggagawa sa agrikultura

Tema: “Mapangahas na Palawakin at Patatagin ang UMA sa Harap ng Matinding Kahirapan, Pagsasamantala at Pasismo ng Rehimeng US-Duterte!”

Marso 18-19, 2019

Matagumpay ang ika-4 na pambansang kongreso ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) na may temang “Mapangahas na Palawakin at Patatagin ang UMA sa Harap ng Matinding Kahirapan, Pagsasamantala at Pasismo ng Rehimeng US-Duterte!.” Ito ay ginanap sa Lungsod Quezon mula Ika-18 hanggang ika-19 ng Marso, 2019. Dinaluhan ito ng mga delegado mula sa iba’t ibang organisasyon ng magsasaka at manggagawa sa agrikultura ng Central Luzon, Cagayan Valley, Batangas, Negros Island, Panay, Bohol, Southern Mindanao Region, Northern Mindanao Region, Western Mindnao Region, Caraga, Bukidnon at SOCCSKSARGENDOS.

Sa unang araw ng kongreso, naging tampok ang susing pananalita ni Propesor Jose Maria Sison, tagapangulo ng International League of People’s Struggles (ILPS) kung saan isa sa mga kasaping organisasyon ang UMA. Nagbigay diin si Ka Joma sa kahirapan na kinakaharap ng manggagawa sa agrikultura sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng US-Duterte at kung paano pa isusulong ang pakikibaka nila. Ayon sa kanya, “Mahalaga na muli ninyong sariwain sa inyong kongreso  ang inyong kapasyahang palawakin at konsolidahin ang UMA sa harap ng tunguhin sa pasismo at lansakang mga aksyon ng terorismo ng estado at mapag-aralan at magagap ninyo sa kasunod na kumperensya tungkol sa Agribusiness Venture Arrangements kung papaano mapanlansing ginagamit ng mga TNC at lokal na mapagsamantala ang mga pang-ekonomya at legal na pamamaraan upang higit na palalain ang problema sa lupa at sirain ang panlipunan at likas na kapaligiran sa ilalim ng rehimen ng patakarang neoliberal at walang habas na kasakiman.”

Nagkaroon din ng pagtalakay sa pambansang kalagayan sa pangunguna ni Renato Reyes, secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na sinundan ng talakayan sa elektoral na adyenda na pinangunahan naman ng kinatawan at unang nominado ng Anakpawis Partylist Ariel ‘Ayik’ Casilao. Sa dalawang paksa, naging tampok ang paglahok ng masang anakpawis sa eleksyon upang mas malakas at masaklaw na maitambol ang ating mga panawagan tulad ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon.

Gayundin, inilalantad natin ang katangian ng reaksyunaryong eleksyon bilang bulok at walang tunay na layunin na iahon sa kahirapan ang sambayanang Pilipino. Nanindigan ang lahat na ito ay isang maruming laro lamang ng mga naghaharing uri na nagpapalalim sa bitak sa pagitan nila na, sa isang takdang panahon, ay maaaring samantalahin at imaksimisa.

Sa kalagitnaan ng araw, pinag-usapan ang pambansang kalagayan ng mga manggagawang agrikultural at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang pambansang organisasyon na magbibigkis sa kanila at magsusulong ng kanilang pakikibaka. Binigyang diin na ang pag-oorganisa at pagbubuo ng mga unyon at asosasyon ng mga manggagawang agrikultural sa ilalim ng UMA ay saligang hakbang upang magkaroon ng sariling anyo ang kanilang pakikibaka para sa lupa, sahod, trabaho, benepisyo at karapatan.

Matapos nito, nagkaroon naman ng pag-uulat hinggil sa mga kampanyang inliunsad ng UMA sa loob ng tatlong taon mula noong ikatlong kongreso nito. Tampok sa ulat ang masiglang pag-tambol ng mga isyu ng sahod at benepisyo, tunay na repormang agraryo. Pinamunuan ng UMA ang kampanya laban sa pagpapatalsik ni Duterte kay Sister Patricia Fox, (isang madre na naglingkod sa mga Pilipino at tagapagtaguyod ng karapatang pantao) at napagtagumpayan na makapanatili pa siya sa bansa sa loob nang halos pitong buwan.

Sa loob ng tatlong taon, sinikap din ng UMA na magpalawak sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga organizers’ training sa iba’t ibang rehiyon. Masigla rin ang ating kampanya para sa agroekolohiya at naipalaganap ang mga bentahe ng organikong pagsasaka sa pamamagitan ng ilang sesyon ng paglulunsad ng aklat na Bungkalan: Manwal sa Organikong Pagsasaka at direktang pagsasapraktika nito.

Naging bahagi rin ang UMA ng iba’t ibang pagtitipon ng pagkakaisa at kapatiran sa labas ng bansa. Ilan sa mga tampok ang partisipasyon nito sa International Tribunal, United Nations Side Event sa USA, 70th Founding Anniversary ng Demokratic People’s Republic of Korea (DPRK) at ang pagiging bahagi nito ng Youth for Agroechology kasama ng iba’t ibang delegado mula sa Asya Pasipiko.

Ang huling bahagi ng unang araw ng kongreso ay kinatampukan ng pagkakaisa sa kapasyahan ng bawat rehiyon na palawakin ang kasapian ng UMA.

Ang ikalawang araw ng kongreso ay binuksan ng isang pag-aaral hinggil sa mga neoliberal na patakaran na pinangunahan ng tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno na si Elmer ‘Ka Bong’ Labog. Mayaman ang naging talakayan at mas nailinaw ang papel ng imperyalistang kontrol ng US sa ekonomya ng Pilipinas na lalong naglulugmok sa masang manggagawa, magsasaka at manggagawang agrikultural sa labis na kahirapan.

Sa araw din na iyon ay pinagtibay ng pambansang kongreso ang mga nabuong resolusyon at naghapag din ang bawat rehiyon ng resolusyon batay sa kanilang kalagayan at pakikibaka sa kani-kanilang lugar. Gayundin, nakapaghalal ang pambansang konseho ng UMA ng mga bagong opisyales nito na sumumpang tutupdin ang mga tungkulin para sa ibayong pagsulong ng UMA sa pambansang saklaw hanggang sa maipagtagumpay ang mga demokratikong kahilingan ng mga manggagawang agrikultural.

Matibay ang mga batayan ng ekspansyon at konsolidasyon ng UMA sa hanay ng mga manggagawang agrikultural sa buong bansa ayon sa pagpaplanong nabuo katuwang ang mga rehiyon. Mula Luzon hanggang Mindanao, determinado ang mga delegado na maglunsad ng mga kampanya hinggil sa pagpapataas ng sahod sa mga hacienda, pagi-giit sa mga benepisyo at tunay na repormang agraryong nakatuon sa libreng pamamahagi ng lupa at suportang serbisyo. Ang mga nasabing kampanya ang magiging daan sa lalo pang pagpapalawak at pagpapatatag ng bawat organisayon sa ilalim ng UMA sa lahat ngf rehiyon.

Ang matagumpay na pambansang kongreso ay nagtapos sa isang gabi ng pagkakaisa at mga pangkulturang pagtatanghal kung saan inilarawan sa masining na paraan ang buhay at pakikibaka ng masang anakpawis sa kanayunan.

Sa kabuuan, maningning ang kinabukasan ng pagkilos ng UMA dahil sa marubdob na kapasyahan nito na makapagpalawak at magpatatag. Matabang lupa ang malubhang krisis na dala ng mala-kolonyal at mala-pyudal na sistema ng lipunan sa ibayo pang pag-sulong. Malaking hamon ang haharapin sa gitna ng pasistang atake ng rehimeng uhaw-sa-dugo at sagadsarin ang pagiging traydor sa mamamayan subalit tiwala ang UMA sa lahat ng mga organisasyon sa ilalim nito sa pag-abante ng pakikibaka ng manggagawang agrikultural sa buong bansa.

Mga Mensahe ng Pakikiisa

Asian Peasant Coalition Solidarity Message 

Related image

Amihan solidarity message for UMA

Image result for amihan peasant women

Solidarity Message from Barnard College of Columbia University

Related image

Solidarity Message from PNFSP

Image result for PNFSP PHILIPPINES

Solidarity Message from MASIPAG

Image result for MASIPAG PHILIPPINES

UMA Resolutions Approved by the 4th Congress