Sulong UMA, Sulong ANAKPAWIS!

wpid-wp-1455941200160

Talumpati ni Anakpawis Rep. Fernando “Ka Pando” Hicap sa Ikatlong Pambansang Kongreso ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA)
Pebrero 20, 2016, Malaybalay City, Bukidnon

Karangalan kong ipaabot sa inyo ang mainit na pagbati ng Anakpawis Party-list sa matagumpay na paglulunsad ng inyong ikatlong pambansang kongreso.

Ibayong tatag ang ihahatid ng kongresong ito sa hanay ng nakikibakang mga unyon at organisasyon ng manggagawa sa agrikultura sa buong bansa para sa puspusang paglaban sa neoliberal na atake sa mga manggagawa, magbubukid at mamamayan, sa tuluy-tuloy na pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa, sahod, trabaho, benepisyo at karapatan, at sa buong-sikhay na pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga manggagawa sa agrikultura sa malalaking plantasyon at asyenda. Sa tatag na ito rin inaasahan magmumula ang mapangahas na paglawak ng ating Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, ang ating UMA!

Ngayong umaga, naatasan akong ibahagi sa inyo ang pangkalahatang panawagan ng Anakpawis Party-list para sa halalang 2016. Bago iyon, mga kasama, hayaan muna ninyo akong magbigay ng mabilis na ulat hinggil sa kung ano na ang inabot ng gawain ng Anakpawis sa parlamento nitong nakaraang tatlong taon o sa panahon ng 16th Congress partikular kaugnay ng pakikibaka ng Pilipinong manggagawa sa agrikultura.

Unang-una na, patuloy nating isinulong sa Kamara ang pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill sa kabila ng malaking balakid dito. Hindi biro ang katunggali ng GARB o House Bill 252 sa Kongreso lalo’t alam nating kalakhan ng kasapian nito ay nagmumula sa uring panginoong maylupa at burgesya komprador, naghaharing mga uri na sadyang tutol sa tunay na reporma sa lupa.

Anu’t anuman mabisa nating napagsilbi ang mga hearing, ang bawat pagkakataon sa plenaryo ng Kamara, ang mga pagkilos sa loob at labas ng Batasan para sa maingay na pagtatambol sa makatarungang kahilingan ng masang anakpawis para sa pagwasak sa monopolyong kontrol at pag-aari sa lupa ng mga panginoong maylupa at dayuhang korporasyon, ang pagbuwag sa malalawak na asyenda, ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang wala o walang sapat na lupa na nais magbungkal.

Ginawa natin ito, mga kasama, kasabay ng ating militanteng pagtutol at pagbabantay sa mga maniobra sa Kongreso para sa muli na namang pagpapalawig sa nag-expire na at sadyang bigo at bogus na Comprehensive Agrarian Reform Program. Mga kasama, itinuturing nating isang tagumpay ng kilusang magbubukid at ng kilusang demokratiko sa kalahatan ang pagbigo sa extension ng CARP o CARPER na walang ibang layon kundi patuloy na linlangin ang masang magsasaka na mayroong ipinatutupad na reporma sa lupa sa bansa at magsilbing tabing sa paglala ng kawalan ng lupa ng mga magsasaka.

Sa panahon din ng 16th Congress, muling isinulong ng Anakpawis ang panukalang batas para sa P125 across-the-board na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor o ang HB 253. Isinumite rin natin ang HB 5140 o ang panukalang batas para sa pagbabawal sa kontraktuwalisasyon at ang HB 5189 na naglalayong bigyan ng proteksyon ang kapakanan ng mga manggagawang bukid sa contract growing.

Itinampok din natin ang iba’t ibang laban ng mga manggagawang bukid sa pamamagitan ng ilang resolusyon ng Anakpawis. Ipinanawagan natin, halimbawa, sa pamamagitan ng HR 116, na imbestigahan ng Kongreso at magbigay ng lubos na accounting ang kinauukulang mga ahensya ng gobyerno kaugnay ng pondo ng Social Amelioration Program sa industriya ng asukal at nang matasa kung totoo bang napapakinabangan ito ng mga manggagawang agrikultural.

Isinumite rin natin ang HR 575 para sa isang congressional inquiry kaugnay ng kalagayan ng mga manggagawang bukid sa mga asyendang nakapailalim pa rin sa tuso at mapagsamantalang stock distribution option o SDO na ang kalakhan ay nasa Isla ng Negros. Ipinanawagan natin sa loob at labas ng Kongreso ang revocation ng mga tinatawag na stock distribution plans o SDP at ang tuwirang pamamahagi ng mga lupaing ito sa mga manggagawang bukid. Naging tungtungan natin ang resolusyong ito para bigyan ng presyur ang Department of Agrarian Reform nitong huling budget hearing sa Kongreso na magsumite sa atin ng ulat kaugnay sa istatus ng mga SDO estate. Agad namin kayong padadalhan ng ipinangakong report ng DAR sakaling magmilagrong hindi mapako ang nasabing pangako.

Ipinasa rin ng Anakpawis ang HR 1146 para imbestigahan ng Committee on Agrarian Reform at ng Committee on Human Rights ang nagpapatuloy na paglabag sa karapatang pantao ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita na sistematiko at malupit na isinasagawa ng mga armadong tauhan ng Tarlac Development Corporation na pagmamay-ari ng mga Cojuangco-Aquino at ng Tarlac PNP.

Itaas po ang kamay ng mga delegado mula sa Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita. Kasama po ako nang ang ilan sa mga kasapi ng AMBALA, Anakpawis at UMA ay dahasin, arestuhain at sampahan ng gawa-gawang kasong direct assault noong Setyembre 2013 samantalang naglulunsad lamang kami noon ng isang fact finding mission sa Hacienda Luisita. Harap-harapang saksi po ako sa karahasan na kayang gawin ng estado para lamang bigyang proteksyon ang ganid na interes ng Cojuangco-Aquino sa Hacienda Luisita. Anu’t anuman, sa pagkakasama ko sa mga ikinulong sa loob ng tatlong araw sa Camp Makabulos sa Tarlac, saksi rin po ako sa kagitingan at katapangan ng mga lumalabang manggagawang bukid ng Hacienda Luisita, sa AMBALA at sa UMA.

Ang HR 2060 naman samantala ay ang resolusyon ng Anakpawis para imbestigahan ang nauulat na napakababang presyuhan ng rubber tree extract sa Cotabato at iba pang parte ng Mindanao na lubhang nagpapahirap sa kabuhayan ng mga manggagawang agrikultural at tapper sa mga plantasyon ng rubber tree.

At huwag nating kalimutan, ang kauna-unahang resolusyong isinumite ng Anakpawis sa panahon ng 16th Congress ay ang HR 013 na mariing nagpahayag ng pagtutol sa planong economic Cha-cha ng administrasyong Aquino o ang pagtatanggal sa Saligang Batas ng mga restriksyon sa buu-buong pag-aaring dayuhan sa mga lupain sa bansa. Idugtong natin dito ang paglaban natin sa mga pakana sa Kamara para isabatas at tuluyang i-institusyunalisa ang malaganap na ngang kalakarang nagsasamantala at nagpapahirap nang matindi sa mga magsasaka at manggawa sa agrikultura gaya ng Agribusiness Venture Agreement o AVA, corporate farming, financialization sa agrikultura at iba pang mga iskemang kung tutuusin ay pawang mga piecemeal o pautay-utay na Cha-cha.

Sadyang hindi mawawala sa hanay ng tampok na mga isyu, kampanya at pakikibakang isinulong ng Anakpawis sa loob at labas ng Kongreso nitong nakaraang tatlong taon ang kalagayan at laban ng mga manggagawa sa agrikulutra. Papatinding pambubusabos sa manngagawa sa agrikultura ang bunsod ng neoliberal na mga patakaran at tunguhin sa ekonomya at ng imperyalistang pandarambong sa ating likas-yaman, kalupaan at lakas paggawa. Papalaki ang hamon sa kilusang magbubukid at kilusang paggawa para buklurin ang lakas ng manggagawa sa agrikultura tungo sa militanteng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Bagaman segundaryo sa kilusang masa, o sa solidong pagpupundar ng organanisasyong masa at pagpapakilos sa militanteng mga aksyong masa sa lansangan, welga sa mga asyenda, plantasyon, gilingan, barikada sa mga tabing-higway o saan man, may makabuluhang komplimentaryong ambag sa mga ito ang gawaing parlamentaryo batay na rin sa positibong mga karanasan sa mahigit isang dekada nang pag-iral sa loob ng Kongreso ng progresibong mga party-list gaya ng Anakpawis.

Sa pangkalahatang temang “Sulong Anakpawis! Maglingkod, Lumaban, Magtagumpay!” naipirmi sa 5th Anakpawis National Covention noong Setyembre 27, 2015 sa Quezon City ang programa para sa muling paglahok ng Anakpawis sa partylist election ngayong 2016. Sa kumbensyon ding iyon napagtibay ang pinal na mga nominado ng partido.

Ang 1st nominee ay ang batang-batang lider masa mula sa Kilusang Mayo Uno ng Southern Mindanao na si Kasamang Ariel “Ayik” Casilao. Mapapakinggan po natin si Kasamang Ayik mamayang hapon sa kanyang pagtalakay sa pambansang kalagayan ng mga manggagawa sa agrikultura. Ang 2nd nominee ay ang dating Anakpawis representative at kasalukyang pambansang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na si Rafael “Ka Paeng” Mariano. Ang 3rd nominee ay si Kasamang Randall Echanis, pambansang tagapangulo ng Anakpawis. Ang 4th nominee ay Joseph Canlas, lider ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL). Ang 5th nominee ay si Pedro Gonzales, chairperson of Pamalakaya sa Timog Katagalugan.

Ang Anakpawis ay pormal na nakapag-file ng certificate of candidacy sa Comelec noong October 12. Batay sa December 3, 2005 Comelec Resolution 10025, pasok ang Anakpaws sa listahan ng accredited party-list para sa 2016 elections.

May 58 kinatawan ang nakalaan sa party-list sa Kongreso. Konsiderableng bahagi ang mga puwestong ito sa buong lehislatura kung kaya’t ang pagkopo sa mga ito ay tiyak na binubuhusan ng pagsisikap at rekurso ng bulok na mga partido at dinastiyang pulitikal. Samantala, nitong nakaraang mga taon, naging matingkad ang papel ng progresibong mga party-list o ang Makabayan bloc bilang siyang tunay na oposisyon sa Kamara na konsistent at matapang na nanindigan laban sa anti-mamamayan at maka-imperyalistang mga batas, programa at patakaran.

Ano ang panawagan ng Anakpawis kung gayon? Tiyakin ang pagpanalo sa isang kinatawan at pagsumikapang makamit ang tagumpay para sa ikalawang kinatawan. Sa maksimum, syempre, ay makapagpanalo ng tatlo.

Ayon sa Comelec, 54.4 milyon ang rehistradong botante sa 2016. 82% ang tinatayang participation rate o total votes cast. Malamang manatili ang total party-list votes sa antas ng 73% ng total votes cast. Kahulugan nito ang pag-akyat ng bilang ng total party-list votes sa maximum range ng 33 milyon mula sa dating 28 milyon.

Batay rito, upang makamit ang target ng Anakpawis, kailangang abutin ang hindi bababa sa 700,000 boto sa halalang 2016. Katumbas ito ng dobleng paglaki ng target kumpara sa nakaraang botong nakamit noong eleksyong 2013.

Kailangang tiyaking mai-deliver sa eleksyong 2016 ang lahat ng ating organisadong boto mula sa batayang masa at mga organisasyong sumusuporta at nagtataguyod sa Anakpawis Partylist.
Kailangang makapangalap din ng signipikanteng karagdagang boto mula sa malawak pang market votes o sweep votes. Kailangang palawakin ang gawaing alyansa sa mga kaibigang kandidato at kaalyadong organisasyon para sa suporta nila sa Anakpawis Partylist. Kailangang buuin ang lambat ng suporta at likhain ang iba’t-ibang pamamaraan para sa negotiated at alliance votes.

Susi sa lahat ng ito ang pagbubuo at pagpapagana sa daan-daang balangay ng Anakpawis at sa paglago ng kasapian ng mga ito tungong daang libo. Mula sa mga ito ay mabilis dapat na nakapagsasanay at nakapagpapaunlad ng mga lider. Alalahanin nating nakabatay ang ating makinaryang elektoral sa diwa ng boluntarismo mula sa masa. Ang ating kampanyang elektoral ay may katangian ng isang kilusang masa na may programa para sa masaklaw na propaganda, edukasyon at pag-oorganisa.

Sa kasalukuyan, positibong nasisinsin ng pambansang tanggapan ng Anakpawis ang kulumpon ng mga tsapter sa Metro Manila na sumasaklaw sa iba’t ibang lungsod. Kahalintulad din nito, sa aking pagkakaalam, ang isinasagawa sa ilang lugar sa Mindanao.

Sa pagpapakilala sa Anakpawis bilang “Party-list ng Masa! Kakampi ng Maralita!” at sa pagdadala ng islogang “Lupa, Sahod, Trabaho, Tirahan at Karapatan, Ipaglaban!” naitatampok ang batayang mga suliranin ng mga sektor ng anakpawis gayundin ang panawagan para sa sama-samang pagkilos at paglaban para sa kanilang demokratikong interes at karapatan. Dala-dala rin natin ang mga islogang “Sahod, Itaas!” at “Presyo Ibaba!” At, syempre, ang islogang “Tunay na Reporma sa Lupa, Ipaglaban!”

Mulat nating minamaksimisa ang panahon ng eleksyon sa paglilinaw sa masa ng pundamental nating pagsusuri sa katangian ng lipunang Pilipino at ang pangangailangan para sa pambansa demokratikong pakikibaka ng uring anakpawis at ng buong sambayanan. Samantalang wala tayong inilalakong ilusyon sa masa na sa pamamagitan ng eleksyon makakamit ng sambayanan ang tunay na demokrasya at pambansang kalayaan, naitatambuli natin ang mahahalagang usaping pambansa sa panahong ito sa porma halimbawa ng paghamon sa tumatakbong mga pulitiko hinggil sa kanilang posisyon sa problema sa lupa, kawalan ng pambansang industriya, kontrol ng imperyalistang US sa ekonomya at pulitika ng bansa, korupsyon, militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao, usapang pangkapayapaan, at iba pa.

Pagkakataon din ang eleksyon para singilin ang administrasyong BS Aquino at ang manok nito sa pagkapangulo na si Mar Roxas, sa mabibigat nitong krimen sa masang anakpawis at mamamayan: ang matinding korupsyon sa pamamagitan ng DAP; ang paglalako nito sa pambansang soberanya sa pamamagitan ng EDCA at ng mga patakaran sa ekonomya gaya ng private-public partnership; ang paglala sa kawalan ng lupa ng mga magsasaka at ang papalawak na saklaw ng land-use conversion at crop conversion para sa dayuhang korporasyon sa agrikultura, mining, turismo at real estate; ang kapabayaan nito sa pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng Yolanda at iba pang kalamidad; ang pagkakait ng serbisyong panlipunan at ang pag-veto sa pagtaas ng SSS pension; ang militarisasyon sa kanayunan at tuluy-tuloy na pamamaslang sa mga aktibista, manggagawa at mamamayang Lumad sa ilalim ng Oplan Bayanihan; at marami pang iba.

Kailangan ding magsikap para palakasin ang gawaing alyansa ng Anakpawis at makipagtulungan sa mga kaibigan at alyado sa batayan ng mga isyung kumon na para sa kapakinabangan ng mamamayan gayundin sa layong makakuha ng ilang kongkretong tulong o ambag sa rekurso na mahalaga para sa isang pambansang kampanyang elektoral.

Sa mahusay nating pag-angkop, kung gayon, sa kampanyang elektoral, inaasahang di lamang natin maipapanalo ang Anakpawis sa Kongreso, kagyat din tayong makapagpapalawak at makapagpupundar ng organisadong lakas.

Mga kasama, panawagan din ng Anakpawis at ng Makabayan Coalition na ipanalo natin si Kasamang Neri Colmenares para sa senado.

Mula sa panahong nag-file siya ng kanyang certificate of candidacy, unti-unting tumataas ang porsyento ng nakakakila sa kanya at ang handang iboto siya para senador ayon sa huling survey ng Pulse Asia at SWS. Inaasahan pa ang pag-angat ni Neri sa mga susunod na survey sa pagbuwelo ng kampanya kasabay ng pagdebelop ng malawak na laban para sa pagtaas ng SSS pension at sa paglaban sa veto rito ni BS Aquino.

Sana ay makatulong ang maikling paglalahad kong ito ng mga panawagan ng Anakpawis para sa pagbubuo ng UMA ng mga resolusyon sa pag-angkop ng mga unyon at organisasyon ng manggagawa sa agrikultura sa hamon ng darating na eleksyon sa Mayo.

Muli, pagbati sa UMA sa ikatlong pambansang kongreso nito. Pagbati at pagsaludo sa magiting na pakikibaka ng manggagawa sa agrikultura para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Mabuhay ang pakikibaka ng uring manggagawa at magbubukid para sa tunay ng demokrasya at pambansang kalayaan. Sulong UMA. Sulong Anakpawis.

UMA 2016 sticker

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s