LABANAN ANG NEOLIBERAL NA PATAKARAN, ISAKATUPARAN ANG TUNAY NA REPORMA SA LUPA

Susing Talumpati sa Ikatlong Pambansang Kongreso ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA)

Ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo, International League of Peoples’ Struggle (ILPS)
Pebrero 20, 2016

pdf-button-clear-1

Kami, sa Internasyonal na Komite sa Koordinasyon at kabuuan ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS), ay nagpapaabot ng taos pusong pagbati at pakikiisa sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) sa okasyon ng Ikatlong Pambansang Kongreso nito. Ipinagmamalaki namin ang UMA bilang isang tampok at mahalagang kasaping organisasyon ng ILPS.

Karangalan namin na sa pagtatatag ng UMA nong Enero 20, 2005 nakapagbigay ang Tagapangulo ng ILPS ng susing talumpati. Magmula noon maraming tagumpay ang inani ng UMA sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga manggagawang-bukid sa layuning itaguyod, ipagtanggol at isulong an kanilang mga karapatan at kapakanan alinsunod sa linya ng pambansang kalayaan at demokrasya.

Nagagalak kami na dumami ang inyong mga kasaping organisasyon mula sa mga tagapagtatag nito noong 2005 — ang AMBALA-ULWU ng Hacienda Luisita, Tarlac, National Federation of Sugar Workers o NFSW ng Negros, OGYON ng Bukidnon, at ang KAISAHAN ng Batangas. Nakapagpalawak ang UMA at may mga karagdagang tsapter na sa antas-baryo, asyenda at plantasyon, antas-munisipalidad o bayan, at antas-rehiyong pormasyon gaya ng sa Cagayan Valley sa Hilagang Luzon, at mga bagong myembrong unyon mula sa rehiyon ng Caraga, Socksargen at Southern Mindanao Region.

Napakahalaga at napapanahon ang tema ng inyong kongreso: “Puspusang labanan ang mga neoliberal na atake sa mga manggagawa, magbubukid at mamamayan! Makibaka para sa tunay na reporma sa lupa, sahod, trabaho, benepisyo at karapatan! Pukawin, organisahin at pakilusin ang mga manggagawa sa agrikultura sa malalaking plantasyon at asyenda! Mapangahas na palawakin ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura!”

Dahil sa patakaran ng neoliberalismo, pagpapanatili ng mga kondisyong malapyudal, paglaki ng populasyon at sabay na kawalan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, lumiliit ang lupang nakatalaga sa bawat kasamá at dumarami ang bilang ng mga manggagawang-bukid na nakikitrabaho sa mayayaman at panggitnang magsasaka at nagiging panahunang manggagawa sa mga plantasyon na pag-aari o kontrolado ng mga korporasyon na madalas panluwas o pang-eksport ang mga pananim.

Alinsunod sa patakaran ng neoliberalismo, walang obligasyon ang reaksyonaryong gobyerno na lutasin ang kawalan o kasalatan sa trabaho. Hayaan daw sa merkado ang solusyon. Kung làlaki raw ang bilang ng walang trabaho, bababa ang pasahod at magkakaroon ang mga kapitalista ng malaking kaluwagan na bumili ng murang lakas- paggawa at lumikha ng trabaho. Kung kulang sa kapital ang mga lokal na kapitalista, ibuyangyang ang ekonomya at hayaan daw na dumagsa ang kapital at mga kalakal ng mga dayuhang monopolyo.

Nasa katangian ng uring panginoong maylupa na labanan ang tunay na reporma sa lupa. Kapag pumapayag sila sa bogus na reporma tinitiyak nilang mataas ang expropriation price na tatanggapin nila at kung gayon ang redistribution price ng lupa na babayaran ng mga dating kasamá. Lalong tumaas ang expropriation price dahil sa itinakda ng 1987 Constitution ni Aquino ang prinsipyo ng voluntary sale at fair market value ang just compensation para sa mga panginoong maylupa. Tiyak na hindi kayang bayaran ng land reform beneficiary ang amortization price. Nag-imbento pa si Cory Aquino ng stock distribution option o SDO para tiyaking manatili ang Hacienda Luisita sa kamay ng kanyang pamilya.

Sa ilalim ng patakarang neoliberal, lalong ayaw ng reaksyonaryong gobyerno ng kahit bogus na reporma sa lupa. Kung gayon, wala nang panibagong bogus na reporma sa lupa mula nang matapos ang CARPER noong 2014. Lalong mahirap na umusad ang panukalang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Sa malapyudal na ekonomya tulad ng Pilipinas, kung walang tunay na reporma sa lupa at wala ring pambansang industriyalisasyon, walang pupuntahan ang lumalaking hukbo ng walang trabaho kundi maging manggagawang-bukid o maging odd-jobber sa mga lunsod o sumama na hukbong bayan.

Malawak ang saklaw ng panlilinlang at pagsasamantala ng patakarang neoliberal. Sa ngalan ng malayang palengke, ibinubuyangyang ang Pilipinas sa angkat na mga produkto sa pagkain. Sa gayon, sinira ang kasapatan at soberanya sa pagkain. Kinahihiligan ng mga may-ari ng monopolyong kapital na pumapasok sa Pilipinas ang mga plantasyon sa mga produktong pang-eksport (tulad ng pinya, saging, palmera at goma), minahan, trosohan, subdibisyon, shopping mall, hotel at iba pang empresa na hindi nakakapagbigyay ng sapat na trabaho kahit nagkalat ang walang trabaho sa kanayunan at sa mga lungsod.

Laganap na pangangamkam ng lupa sa iba’t ibang paraan ang ginagawa ng mga dayuhang monopolyo at mga kasabwat nilang malalaking komprador at mga burukrata sa matataas na posisyon. Inaagaw ang public land kahit na sa matataas na lugar at kahit na forest reserves. Mapanganib ang maging kainginero sa mga lupang kinamkam na. Sa pagtatapos ng CARPER, lalong bumilis ang land-use conversion. Nabawasan nang malaki ang taniman ng palay at mais. Lalong masahol ang kalagayan ng mga manggagawang-bukid sa mga plantasyon. Hindi sapat ang pasahod para sa ikabubuhay ng isang tao, walang proteksyon sa paggamit ng mga pestisidyo at walang gamot at pag-aalaga sa maysakit.

May mga kagyat na batayan para pukawin, organisahin at pakilusin ang mga manggagawang-bukid sa asyenda o plantasyon batay sa mga isyu sa ekonomiya: masyadong mababa ang pasahod, mataas ang production quota, kulang ang panahon ng pahinga at pagkain, mataas ang interes sa pautang na rasyon, walang pagamutan at gamot para sa mga maysakit, walang lote para tirahan at taniman ng pamilya, walang paaralan ng mga anak, atbp. Kailangan ang unyon para ipaglaban ang mga ipinagkakait na karapatan.

May mga pagkakataon ding mga pampulitikang isyu ang dahilan ng welga. Sumusulpot ang pampulitikang pakikibaka dahil sa mararahas na panunupil sa mga mangagagwang bukid. May mga pampulitikang isyu na pamprobinsiya, pangrehiyon o pambansa ang saklaw at kinakailangan ang pampulitikang kilos-masa ng mga manggagawang-bukid at mga alyado nila dahil sa apektado sila.

Mas matibay ang unyon kapag kabilang ang mga regular o palagiang manggagawang-bukid, pati na yaong sa mga gilingan, bodega at makinarya. Kailangan din nila ang kaisahan ng maraming panahunang manggagawang-bukid. Puwedeng magwelga ang unyon ng UMA sa partikular na asyenda o plantasyon o sa mas malawak na saklaw kapag mayroon nang pormasyon ang UMA sa prubinsyal o rehiyunal na antas. Puwede pang magkaroon ng malalawak na welga at mga lakbayan sa pambansang saklaw.

Kung sa welga hindi sapat ang simpleng pagtigil ng trabaho para makinig at tumino ang mga may-ari at tagapamahala nila at tugunan nang sapat ang mga demandang rasonable at makatarungan, posibleng pigilin ang kuryente at harangin ang mga sasakyang nagdadala ng suplay o produkto. Puwedeng gumamit ng mga pamamaraan para tuluyan nang magsara ang plantasyon o asyenda sa dahilang kailangan ang lupa para sa reporma sa lupa at matiyak ang gamit ng lupa para sa pagkain ng bayan. Subalit ang mga naturang pamamaraan ay mas nasa kamay ng armadong rebolusyon kaysa sa isang organisasyon o alyansang legal ng mga manggagawang-bukid.

Gayunman, may ilang pagkakataon na kakayanin ng mga manggagawang-bukid na magsagawa ng bungkalan o okupasyon ng lupa at organisadong pagtanim ng palay, mais at gulay sa halip na tubó. May dahilan na hindi maipataw ng asendero ang dati niyang kagustuhan. Halimbawa, tamaan ng krisis ang asukal at hindi na makakuha ng panibagong crop loans ang asendero mula sa bangko, tulad ng nangyari sa Negros noong 1970s at 1980s. Sa kaso naman ng Hacienda Luisita, naungkat ang paglabag ng pamilyang Cojuangco-Aquino sa kondisyon na magkaroon ng reporma sa lupa bilang kaabikat ng pautang sa kanila na foreign exchange para mabayaran ang Tabacalera. At naihantad din na panloloko sa mga manggagawang-bukid ang stock distribution option o SDO na ginamit ni Cory Aquino para iwasan ang reporma sa lupa.

Ang sasabihin ko ngayon ay wala sa larangan ng legal na pakikibaka ng UMA. Kayang buwagin ng hukbong bayan ang alinmang asyenda or plantasyon sa pamamagitan ng pagsira ng power suplay at makinarya nito at pagdisarma sa mga armadong guwardiya nito. Ang makatarungang dahilan ng hukbong bayan ay pagsalungat sa monopolyo sa lupa at pagbibigay-daan sa reporma sa lupa. Saanmang lugar na mabuwag ang asyenda o plantasyon, dapat kumilos ang walang lupang masang magbubukid para sa maayos na bungkalan at libreng pamamahagi ng lupa. At dapat tumulong ang lahat ng makakatulong sa kanila bilang kaalyado. Wala silang pananagutan sa ginawa ng hukbong bayan. Sayang naman na matitiwangwang lamang ang lupa na dating kinamkam ng mga dayuhan at lokal na korporasyon.

Alam ng lahat na kahit na may reporma sa lupa, tunay man, limitado o bogus sa kabuuan o sa kalaunan, mauuwi pa rin ito sa pagpapanatili o muling pagsulpot ng mga panginoong maylupa dahil sa walang pupuntahan ang kapital na nagbuhat sa surplas na produkto sa agrikultura kundi ang pamimili ng lupa at luho. Dapat kaakibat ng reporma sa lupa ang pambansang industriyalisasyon para ito ang puntahan ng kapital buhat sa surplas na produkto sa agrikultura. Pambansang industriyalisasyon ang lilikha ng trabaho para sa dumaraming walang empleyo sa kanayunan. At siya rin ang yayari ng mga kagamitang pamproduksyon at ilang bagay na pangkonsumo ng mga magbubukid.

Dapat may mahigpit na ugnayan at tulungan ng kilusang magbububukid at kilusang paggawa para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisayon nang sa gayon magkaroon ng pambansang kalayaan at demokrasya ang sambayanang Pilipino. Pinakamahusay na kalagayan ay kung uring manggagawa na ang namumuno sa estado at lipunan o kaya may mapagpasyang papel na sa pamamahala. Dapat makipag-ugnayan at makipagtulungan ang UMA sa KMP dahil nagmumula ang mga panahunang magggagawang-bukid sa mga maralita at nakabababang antas ng mga magsasaka. Dapat ding makipag-ugnayan at makipagtulungan ang UMA sa KMU dahil sa may mga unyon ng manggagawang-bukid sa ilalim nito sa mahabang panahon.

Malaki ang papel na magagampanan ng mga manggagawang-bukid sa anti-imperyalista at demokratikong pakikibaka sa Pilipinas. Kabilang sila sa bahagi ng lipunan na pinakaapi at pinagsasamantalahan. Sa gayon, madali silang pukawin, organisahin at pakilusin alinsunod sa linyang pambansa-demokratiko. Dahil sa karamihan sa kanila ay wala nang takdang lupang sinasaka tulad ng mga kasamà, madali silang kumilos sa labas ng mga nayon nilang tinubuan.

Dapat bigyan sila ng UMA ng liwanag sa pamamagitan ng propaganda at ahitasyon para mahango ang pag-iisip nila mula sa palagiang pag-aabala lamang kung paano at saan maghahanapbuhay. Dapat magkaroon sila ng pag-asa sa pagsapol ng linya at programang pambansa-demokratiko at sa pagkilos para labanan ang nang-aapi at nagsasamantala.Tungkulin ng UMA na organisahin ang hanay ng mga manggagawang-bukid at iugnay sila sa mga alyadong pwersa sa proseso ng mga mobilisasyon tungkol sa iba’t ibang mayor na isyu. Ang UMA rin ang makakapag-ugnay sa kanila sa mga pwersang anti-imperyalista at demokratiko sa internasyunal na saklaw.

Kapuri-puri ang UMA na magmula 2010 hanggang 2015 binigyan ng konsentradong pansin ang pakikibaka ng mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita para sa tunay na reporma sa lupa at pagkakamit ng hustisya sa mga biktima ng masaker sa Gate 1 ng CAT at iba pang pamamaslang at paglabag ng karapatang tao. Nagbunga ang kilos-masa at legal na gawain sa desisyon ng Korte Suprema na pabor sa mga manggagawang-bukid noong Abril 24, 2012 at iba pang tagumpay sa tuluy-tuloy na pakikibaka laban sa iba’t ibang iskema at maniobra ng kasikeng presidente at ng kanyang pamilya. Mainam na ipalaganap sa buong bansa ang mga karanasan, aral at tagumpay na nakamit ng UMA sa pakikibaka sa Hacienda Luisita.

Wasto ang pananaw ng UMA na pasiglahin at palakasin sa buong kapuluan ang pakikibaka ng mga magbubukid para sa tunay na reporma sa lupa at laban sa stock distribution option, corporative scheme at iba’t ibang anyo ng Agribusiness Venture Arrangements (AVAs), rentahan o aryendo, pangangamkam, pagpapalit-gamit ng lupa at iba pang iskema at maniobra na nagpapawalang-saysay sa kanilang karapatan sa lupa. Ang mga ito ay dapat na labanan at biguin sa pamamagitan ng pagkakaisa at militanteng pagkilos. Ang kampanyang bungkalan o okupasyon ng mga lupain at organisadong pagbubungkal at produksyon, ay isang sandata ng pakikibakang masa na dapat patuloy na pinauunlad batay sa karanasan ng mga manggagawang-bukid.

Kapuri-puri ang mabungang pagdadala ng UMA sa kampanya para sa interes at kagalingan ng mga manggagawang agrikultural lalo na sa Negros at Batangas, at sa kampanya para direktang ipamahagi ang pondo ng Social Amelioration Program (SAP) na laan para sa mga manggagawang-bukid sa tubuhan. Lumahok ang UMA sa mga kampanya tungkol sa isyung laban sa rehimeng US- Aquino, tulad ng PDAF, DAP at iba pang pork barrel, ang pagkulong na mga lider magbubukid at lahat ng iba pang mga bilanggong pulitikal, pagbisita ni Obama at pagregalo sa kanya ng EDCA, pagpapalawig ng di-pantay na kalakalan sa ilalim ng APEC, at iba pang isyu na may kinalaman sa pakikibakang anti-imperyalista at anti-pyudal.

Mapag-puna sa sarili ang UMA sa pagsasabi na hindi sapat o hindi naging tuluy-tuloy ang tuon at pag-agapay nito sa mga partikular na isyu at kampanya ng mga manggagawang-bukid at manggagawang agrikultural sa iba pang asyenda at plantasyon bukod sa Luisita at mga tampok na tubuhan. Subalit pinupuri ng UMA ang mga lokal na kasaping organisasyon na nagpatuloy sa kanilang mga pakikibaka. At wastong may kapasiyahan ang UMA na pag-ibayuhin ang sistematikong pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga manggagawang-bukid sa mga plantasyon at asyenda.

May ilusyon ngayon ang malalaking komprador at asendero na hindi kailangang magkunwari ang reaksyonaryong estado na magreporma sa lupa at magtakda ng tamang pasahod sa mga manggagawang-bukid. Labis na lasing sila sa patakarang neoliberal na walang hangganan ang garapal na pagsasamantala. Binabalewala nila ang mga hinaing ng mga anakpawis at minamaliit nila ang kakayahan nilang bumalikwas nang malawakan. Subalit mabilis na lumulubha ngayon ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo at lokal na naghaharing sistema. Tiyak na magugulantang sila sa dumarating na daluyong ng mga kilusang masa at ng armadong rebolusyon.

Natitiyak kong magiging matagumpay ang inyong kongreso. Malalagom at masusuri ninyo ang inyong mga karanasan, mahahango ninyo ang mga aral at magiging maliwanag kung ano ang mga tungkulin at pamamaraan na dapat tupdin para isulong ang kilusan at umabot sa mas mataas na antas ng pagkakaisa, lakas at pakikibaka. Natitiyak kong magkakamit ang UMA ng mas malalaki pang tagumpay sa hinaharap.

Mabuhay ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA)!
Isulong ang kilusang pambansa-demokratiko!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

UMA 2016 sticker

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s