Ang mga Manggagawa sa Agrikultura sa Panahon ng Neoliberalismo

IMG_2759

pdf-button-clear-1

Mga tala ng IBON para sa Pambansang Kongreso ng National Federation of Sugar Workers.

Sa panahon ng globalisasyon na may pangako ng kasaganaan sa mundo, tunay na malaking kabalintunaang yaong nagtatanim ng pagkain ay biktima ng gutom at kahirapan. Sa bagay, kung sa kasaysayan ng tubo titingin, ang asukal na nagsimulang luho ng mayayaman sa mga kolonyalistang bansa noong ika-15 at 16 siglo, at isa na sa pinakakinakalakal na produkto sa mundo, ay pinatanim sa mga kolonya ng Espanya at Portugal para ieksport at iproseso sa bansang kolonyalista. Higit na lumago ang kalakalang asukal sa panahon ng kalakalan ng alipin at isang milyong aliping African ang dinala sa Caribbean para magtrabaho’t mamatay sa mga plantasyon ng asukal sa gitna ng kalunus-lunos na kalagayan.

Nananatiling busabos. Hanggang ngayon, nananatiling hirap sa buhay ang manggagawa sa agrikultura, kabilang ang mga sakada.

Lumalaki ang bilang ng mga manggagawang bukid at sahurang paggawa sa agrikultura. Sa mahigit 1 bilyong manggagawa sa buong mundo, 34% ang nasa agrikultura at 43% nito ay sahuran. Sa Pilipinas, lumiliit na lang sa 30% ng empleyo ang agrikultura (2013) pero tumataas kada taon ang bahagi ng sahurang manggagawa (26% sa 2007, 30% sa 2011). Gayundin, lumalaki ang bahagi ng kababaihan sa ‘unpaid family workers’.

Mahigit kalahati ng walang hanapbuhay o mahirap sa bansa ay nasa sektor ng agrikultura. Pinakamataas na insidente ng kahirapan ay sa sektor ng mga mamamalakaya (41.4%), ng mga magsasaka (36.7%) at mga bulnerableng sektor (29%). Halos lahat ng empleyo sa agrikultura ay hindi pormal o walang kontrata ng empleyo sa pagitan ng nagtatrabaho’t nagpapatrabaho.

Pinalalala ang hirap na kalagayang ito ng mga manggagawa sa agrikultura ng mga labor contractor na nananamantala sa kanila mula sa pagrekrut, pagpabyahe, pamamahala at pagpiga pa ng tubo. Kamakailan lamang halimbawa’y inilantad ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Kilusang Mayo Uno (KMU) ang gawain ng mga contractor sa Lapanday Farms at sa Hacienda Luisita na nagpapatuloy sa pagpapasahod-alipin sa mga manggagawang bukid.

Tumatanggap ng pinakamababang sahod ang mga manggagawa sa agrikultura. Sa Negros Occidental halimbawa, ang pakyaw sa  mga manggagawang bukid ay Php500 hanggang Php1,000 tuwing 15 araw o Php1,000 hanggang 2,000 bawat buwan. Napakababa ng mandated daily minimum wage ng mga manggagawa sa agrikultura at mga plantasyon sa Negros sa Php245 at Php235, na pawang kulang para makabuhay nang disente sa kabila ng nakakabaling-likod at napaka-peligrosong trabaho.

Dagdag na mga usapin sa hanay ng mga manggagawa sa agrikultura ang pagsasamantala at pang-aapi sa kababaihan halimbawa sa mga trabaho sa export-processing zones na pawang manwal at mabigat; ang pag-iral ng child labor, at ang panunupil at pandarahas sa mga magsasaka, laluna yaong mga naggigiit ng kanilang mga karapatan sa lupa at kabuhayan.

Pandaigdigang krisis. Sa pamamagitan ng intrikadong mga iskema ng pagpapaputang; ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon; ng pag-imprenta ng salapi at pagmanipula sa presyo, kalakalan at lakas paggawa, sinusubukan ng mga tagapamandila ng globalisasyon na takasan ang kanilang sariling krisis ng disempleyo, paglobo ng utang, at pagbagal ng paglago. Binubuksan ang mga ekonomiya para sa malayang labas-masok ng mga produkto’t serbisyo, ipinagpapasa-pribadong sektor kahit ang mga pampublikong yutilidad at serbisyo at tinatanggalan ng kapangyarihan ang pamahalaan na iregula ang pagnenegosyo ng pribadong sektor sa ngalan ng kanilang tubo.

Makikita ang krisis na ito sa industriya ng asukal sa pagtaas ng presyo nito, pagmahal ng produksyon, at pabagu-bago ng pandaigdigang halaga, pero sa kabilang banda, matinding kagutuman naman at kahirapan ng mga komunidad na nagtatanim ng tubo.

Habang 70% ng kabuuang produksyon ng asukal ay lokal na kinokonsumo, 30% lamang ang naibebenta sa pandaigdigang pamilihan na kadalasa’y mas mura pa sa lokal o sa halaga ng produksyon. Pabagu-bago ang presyo ng asukal. Tinitingnang mga dahilan ang pagbabago sa produksyon, ang paggamit ng alternatiba dito tulad ng HFCS, pagbabago ng pakikipagkalakal ng eksporter dahil binigyang prayoridad ang lokal na konsumo. Pero mayroon ding ispekulasyon na may epekto sa presyo sa pisikal na merkado. Samantala, ang mga manggagawang bukid ng asukal ang pinakamababa ang kita sa buong mundo, maging sa Cuba, US, Haiti, Jamaica, Kenya at iba pang bansa. Kapag bumabagsak ang pandaigdigang presyo, lagi rin kinakaharap ng mga magsasaka at manggagawang bukid ang peligrong mawalan ng lupa at iba pang ari-arian.

Dalawang transnasyunal na korporasyon sa agrikultura at asukal sa London (Czarnikow at ED&F Man), France (Sucden at Louis Dreyfus), at US (Cargill at Bungea) ang nagmomonopolisa sa 2/3 kalakalan nito sa mundo. Samantala, kanya-kanyang maniobra ang US at European Union sa World Trade Organization (WTO) upang protektahan ang mga merkado nila sa pamamagitan ng mga batas. Sinusuportahan ng 2008 Farm Bill ng US ang lokal na produksyon ng beet at tubo sa pamamagitan ng restriksyon sa sugar imports at paggamit ng tariff rate quota habang may subsidyong US4 bilyon. May Common Agricultural Policy (CAP) naman ang EU na may production quota, mataas na presyong lokal at export subsidies para sa mga prodyuser ng beet. May import tariffs din para limitahan ang kumpetisyon.

Neoliberal na patakaran. Tinatamaan ng pandaigdigang krisis ang agrikultura, ang likas yaman at lakas-paggawa. Dinadambong ang mga ito ng mga korporasyon at mga kapitalistang bansa sa pamamagitan ng mga neoliberal na patakaran, o ang pagpapangibabaw ng tunguhing palakasin ang negosyo at hayaang sa pagtabo nito ng tubo diumano’y manggaling ang pag-unlad ng ordinaryong mamamayan.

Bumagsak ang produksyon ng asukal sa Pilipinas nitong 2015 dulot diumano ng El Nino. Kaalinsabay, bumaba ang konsumo at bumaba rin ang quota ng Pilipinas sa US. Samantala, kumikipot ang erya ng mga pananim dulot ng lumalaganap na land use conversion. Gayunman, nananatiling US ang pinakamalaking palengke ng asukal ng Pilipinas. Tandaang bandang 2010 ay idineklara ng Pilipinas na tuwinang mas mataas ang produksyon nito ng asukal kaysa demand, pero may Minimum Access Volume pa rin itong 64,000 MT sa US na may taripang 50%.

Tumitindi ang liberalisasyon kapwa sa ilalim ng WTO at ASEAN. Ayon sa WTO, aalisin ng EU ang quota nito sa produksyon at minimum na subsidyo sa mga magsasaka ng beet sa Oktubre 2017 kayat dadagsa ang asukal nito sa global na merkado. Nananatili naman sa US ang subsidyo sa lokal na produksyon, quota sa produksyon at taripa. Ayon naman sa ASEAN, unti-unti dapat alisin ng mga myembrong bansa ang taripa sa kalakalan sa pagitan nila. Subalit may iba’t ibang kakayahan ang mga bansa, halimbawa mas malakas ang kapasidad ng Thailand sa usapin ng produktibidad kada ektarya at paggiling. Mas mura ang pagbyahe ng produkto sa Thailand kumpara sa Pilipinas at may subsidy pa ang Thai farmers.

Sa kabila ng pagka-dehado ng Pilipinas sa konteksto ng WTO at ASEAN, hindi tungo sa pagpapalakas ng lokal na produksyon para sa lokal na pangangailangan ang tunguhin ng gubyerno ng Pilipinas kundi ang pagpapadali pa rin na makapagnegosyo ang pribadong sektor:

Sa Sugarcane Industry Development Act (SIDA), naglalaan ng Php2 bilyon para sa imprastruktura (50%), block farming (15%), Research & Development (15%), sosyalisadong pautang (15%) at scholarship (5%). Tinitingnang sagka sa pag-unlad ng industriya ang repormang agraryo kahit pa pagsama-samahin ang mga agrarian reform communities (ARC) at sa halip ay itinutulak ang bultuhang pagpapatanim ng tubo.

Binibigyan ng mahalagang papel ang pribadong sektor sa pagpapagawa ng imprastruktura para sa industriya mula sa pagpapatayo ng mga gilingan, daan, tulay at iba pa upang diumano’y maging competetive ito. Gayon, naglalaan pa ng pampublikong pondo para matiyak na tutubo ang pribadong sektor.

Inaambisyon din diumano para sa nagsasariling industriya sa enerhiya ang biofuels. Pero dahil 25% lamang ng ethanol ang naprodyus ng Pilipinas mula sa lokal ay patuloy pa ring umaasa sa imported na ethanol mula sa US, Brazil, Thailand at India. Pinakamasugid na nagtutulak nito ang mga Zubiri at Teves ng Bukidnon at Negros Oriental na may mga tubuhan. Napabalitang may mga simulain rin kaugnay nito ang mga Arroyo sa Negros Occidental.

Sa pangkalahatan, tumitindi ang komersyalisasyon ng agrikultura at dominasyon rito ng mga transnasyunal na korporasyon (TNC) sa agrikultura, maging kemikal, pagkain o makinarya, kung saan natatali ang mga magsasaka. Mga buhay na halimbawa nito ang lumalawak pang plantasyon ng Del Monte sa Bukidnon at iba pang korporatisadong plantasyon sa Palawan at dito sa Negros.

Tuluy-tuloy rin ang pribatisasyon ng likas na yaman. Pinapatibay ang mga karapatang-ari dito ng pribadong sektor gaya ng karanasan sa Nasugbu, Batangas o maging sa Laguna Lakeshore. Sistematiko ang pag-iwas sa reporma sa lupa at matindi ang pangungunyapit ng mga panginoong maylupa o asendero sa lupa kapag iginigiit ng mga magsasaka’t manggagawang bukid ang pagpapasya-sa-sarili kaugnay nito. Samantala, kasali ang mga pandaigdigang pinansyal na institusyon sa pag-iinteres sa mga agrikultural na lupa para sa negosyo. Halimbawa, sinabi ng World Bank na may 1.7 bilyong ektaryang tiwangwang na lupa sa buong mundo at 40% nito ay nasa Asya. Nirerekomendang taniman ito ng oil palm.

Sa lahat ng ito, nariyan ang presensya ng pinakamalalaki pa ring negosyante sa bansa at sa gayon lalong tumitingkad ang kaugnayan ng mga isyung kinakaharap ng industriya ng asukal at ng mga manggagawang bukid sa iba pang mga isyung pang-ekonomiya at panlipunan. Ang lahat ng ito’y nananawagang mapagpasyang pag-aralan at harapin ng mamamayan sa pamamagitan ng ibayong pagkakaisa at sigasig sa pagtuligsa sa mga ugat ng suliranin ng lipunang Pilipino tungo sa tunay na makabayan at progresibong pag-unlad.

Advertisements