Mga magsasaka ng Hacienda Luisita, ginigipit pa rin 5 taon matapos ang desisyon ng Korte Suprema

HL5TL

Patuloy na ginigipit ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita, limang taon matapos ang makasaysayang desisyon ng Korte Suprema para sa kumpletong pamamahagi ng lupa sa naturang asyenda.

Matatandaang noong April 24, 2012, ibinaba ng Korte Suprema ang desisyon para ibasura ang Stock Distribution Option (SDO) na porma ng reporma sa lupa na ipinatupad ni Cory sa asyenda. Kasabay nito, ipinag-utos ng Korte na pisikal na ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka at bayaran sila ng P1.33 bilyon na pagkakautang ng mga Cojuangco-Aquino mula sa mga lupaing ibinenta nito.

Gayunman, namataan ang presensya ng dagdag na pwersa ng pulis at militar sa erya kasabay ng nakatakdang makasaysayang pagsasama-sama ng mga magbubukid at mamamayan ng Hacienda Luisita. Ang aktibidad sa bungkalan ay nasa pangunguna ng Alyansa ng mga Manggagawang-bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA),  Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), at Anakpawis.

Lalahukan ng iba’t ibang sektor ang sama-samang bungkalan na magaganap ngayong Abril 23-24, 2017 sa Brgy. Balete. Ang pagkilos na ito ay kasabay ng ika-5 anibersaryo ng desisyon ng Korte Suprema. Ayon sa AMBALA, ang lupain ng Hacienda Luisita ay wala pa rin sa kontrol ng magsasaka.

Ayon kay Danilo “Ka Daning”Ramos, pangkalahatang kalihim ng UMA, “Ilulunsad ang sama-samang bungkalan upang bawiin ang lupa at kabuhayan na matagal nang ipinagkakait ng Cojuanco-Aquino at upang paunlarin ang kooperasyon at kasanayan sa agrikultura.”

“Ang mga magsasaka ay matagal nang sinusupil – hinaharas, pinagbabantaan, sinasaktan at ipinipiit. Bukod pa ito sa ginawang masaker noong 2004. Pinag-away-away din ang mga magsasaka sa pamamagitan ng mapanlinlang na tambiolo, pananakot at panunuhol upang isuko ang laban,” ani Ramos.

Ilang dekada nang nagpapasasa ang Cojuanco-Aquino sa pawis at dugo ng magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Lusita. Patuloy na ipinagkakait nila ang mahigit 1,000 ektarya pang lupain kabilang na ang 358 ektarya ng TADECO, 500 ektarya ng RCBC at Luisita Land Corp. / Luisita Industrial Park 3 at higit pang 200 ektarya ng CAT upang hindi ito maipasakamay ng mga magbubukid.

Ipinatupad ni dating Pangulong Aquino ang mapanlinlang at mapanghating “tambiolo land reform” upang takasan ang desisyon ng Korte Suprema. Ang dagdag na deployment ng pulis at militar sa Hacienda Luisita ay nakikita ng mga magbubukid na tahasang pagpalag sa mga utos ng bagong pamunuan DAR. Sa ilalim ni Ka Paeng Mariano, nagpapatupad ang DAR ng mga utos na pabor sa mga magsasaka, kabilang na ang pagbasura sa conversion order sa 384 ektaryang sakop ng RCBC at LLC.

Tulad din ng nagaganap sa iba’t ibang panig ng bansa, dinarahas ng mga yunit ng AFP, PNP, CAFGU ang mga magsasaka. Mula sa tahasang pagpaslang at pagbabanta sa kanilang buhay hanggang sa makailang-ulit nang palihim at lantarang paninira sa mga pananim sa mga lugar na bahagi ng bungkalan.

Mariin na panawagan ng UMA ang pagpapalayas ng militar sa Luisita at sa iba pang lugar sa kanayunan, kung saan apektado ang buhay at kabuhayan ng milyon-milyong magsasaka.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s