Pagpupugay sa buhay at pakikibaka ni Romeo “Apong Fernan” Corpuz ng Hacienda Luisita

apong fernan w

Larawan mula sa Tudla Productions

Pakikiramay ang ipinapaabot ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) sa naiwang pamilya, mga kababaryo at kasama sa pakikibaka ni Romeo “Ka Fernan” Corpuz, magiting na aktibista at miyembro ng Alyansa ng mga Manggagawang-Bukid sa Asyenda Luisita o AMBALA.

Ang hindi inaasahang pagpanaw ni Apong Fernan sa edad na 53 ay dulot na rin ng tuluy-tuloy na pagkakasakit magmula nang maging biktima ng karahasan sa loob ng Hacienda Luisita noong 2014.

Nagpupugay kami sa buhay at pakikibaka ni Kasamang Fernan. Si Ka Fernan, katulad ng iba pa niyang kaanak, kababaryo at kapwa-magbubukid ay naging bahagi ng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at hustisyang panlipunan. Saksi ang kanilang buong pamilya sa paulit-ulit na panloloko, pandarahas at pangangamkam ng pamilya Cojuangco-Aquino at ng estado, lalo na sa ilalim ng administrasyon ni BS Aquino. Sa halip na ipamahagi ang lupa, itinaboy ni BS Aquino ang mga nagbubungkal sa pamamagitan ng armadong dahas, kilo-kilometrong mga bakod at alambreng tinik.

Noong Marso 2014, isa si Ka Fernan sa mga malubhang nasugatan at nasaktan sa kumprontasyon sa mga tauhan ng mga Cojuangco-Aquino at TADECO. Tinangka ni Ka Fernan na salagin ang paghampas ng mga pala at martilyo kung kaya nabali ang kanyang mga daliri sa kamay. Sa halip na bigyan ng kagyat na atensyong medikal, si Ka Fernan, kasama ng dalawa pang biktima ay dinampot at kinasuhan ng mga pulis. Isinailalim sa hospital arrest si Ka Fernan, at bantay-sarado ng mga pulis kahit idinadaing na rin niya noon ang sakit sa puso. Dahil sa marahas na insidenteng ito ay hindi na nakapagtrabaho si Ka Fernan bilang mekaniko.

Ang pangyayaring ito ay hindi naging balakid kay Ka Fernan para ituloy ang laban ng mga manggagawang-bukid. Naging tagapagsalita siya sa ilang okasyon at nagbahagi ng kanyang karanasan upang mamulat ang iba’t ibang sektor gaya ng kabataang estudyante at taong simbahan sa Maynila. Hindi lamang ang sariling sakripisyo ang naikuwento ni Ka Fernan sa iba. Malinaw din niyang naipapaliwanag ang patuloy na pakikibaka ng mga magbubukid ng Hacienda Luisita.

Kasama si Ka Fernan sa delegasyon mula sa Hacienda Luisita na humarap kay Ka Paeng Mariano, ang bagong kalihim ng Department of Agrarian Reform nito lamang Hulyo 8. Nagbigay siya ng testimonya kaugnay ng panggigipit at panunupil na naranasan ng mga manggagawang-bukid sa ilalim ni BS Aquino. May hatid mang pag-asa ang bagong sitwasyon, lupa at hustisya ang patuloy na isisigaw ng mga manggagawang-bukid hangga’t hindi pa ito natatamasa sa Hacienda Luisita.

Pumanaw na si Ka Fernan, ngunit hindi pa rin naibabasura ang gawa-gawang kaso ng “physical injuries” na isinampa ng mga tauhan ng Cojuangco-Aquino laban sa kanya at dalawa pang magbubukid na nasaktan sa nasabing madugong insidente. Samantala, ang daan-daang kontra-reklamo na inihain ni Ka Fernan at ng marami pang ibang magbubukid laban sa mga Cojuangco-Aquino sa Department of Justice ay hindi pa rin naaaksyunan. Batid natin na ang tunay na pagbabago ay magmumula pa rin sa ating patuloy na pakikibaka at sama-samang pagkilos.

Ang alaala at magiting na halimbawa ni Ka Fernan at ng nauna pang mga martir ng Hacienda Luisita ay inspirasyon sa ating lahat. Tuloy ang laban upang bawiin ang lupang matagal nang ipinagkait sa magbubukid! Tuloy ang laban upang itaguyod at depensahan ang sama-samang bungkalan at kooperasyon sa produksyon! Tuloy ang laban upang makamit ang katarungan para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang-pantao sa Hacienda Luisita! Tuloy ang laban para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, tunay na kaunlaran at pangmatagalang kapayapaan sa ating buong bayan!

Mabuhay ang alaala ni Ka Fernan!

UNYON NG MGA MANGGAGAWA SA AGRIKULTURA (UMA)

Advertisements

One thought on “Pagpupugay sa buhay at pakikibaka ni Romeo “Apong Fernan” Corpuz ng Hacienda Luisita

  1. Pingback: Pagpupugay sa buhay at pakikibaka ni Romeo “Apong Fernan” Corpuz ng Hacienda Luisita — UMA Pilipinas |

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s